19 June 2015

Si Susie Pumasok Sa Pinto, Sa Door Pinto, Sa Door Pinto, Sa Front Door Pinto, Sa Front Door Pinto

Isa yang mnemonic na tinuturo sa pagkabisado ng electron configuration sa chem. Nagulat ako nung narinig ko iyan sa lecturer noong college sa UP noong nag-Chem ako kasi kilala ko kung sino ang gumawa niyan, mga kaklase ko noong third year high school habang chem class: yung kras ko at yung bespren niya.

Naaalala ko kasi andun ako, noong mismong klase sa chem na iyon, pinapanood sila magbilang ng daliri habang tumitingin sa kodigo at nagbabanggit ng mga salitang tutugma sa bawat electron shell. Mala-horse shoe yung ayos ng mga upuan: yung block ng mga upuan sa gitna, direktang nakaharap sa pisara habang yung dalawang block sa magkabilang gilid nito ay 45 degrees ang lihis sa gitnang block.

Nandoon silang dalawa sa harap ng gitnang block, ako nasa harap ng block sa kanan nila. Maingay sila, kaya mahirap iwasang hindi tumingin. Ang original, final version na sabay pa nilang nirecite bilang huling yugto ng kanilang paglikha ay
Si Susie Pumasok Sa Pinto, Sa Door Pinto, Sa Door Pinto, Sa Front Door Pinto, Sa F*cking Door Pinto
pero siyempre hindi yan yung binahagi nila kay Ma'am at sa buong klase kundi yung wholesome na version.

Imahe mula sa Wikipedia Commons
Electron configuration
Iba yung tinuturo ni Ma'am na mnemonic noon, English pa nga yata at hindi ko na matandaan, pero natuwa siya noong nag-share yung mga kaklase ko. As in tuwang-tuwa, nakikita ko pa sa isip ko yung ngiting braces at tawa niya na laging lumalabas kapag kinakausap siya ng dalawang kengkoy na iyan.

Si Ma'am taga-Educ at maraming koneksyon sa Chem kaya hindi nakapagtataka kung naikwento niya iyan sa kapwa niya faculty at naisama sa mga tinuturo ng faculty sa college. Hindi rin nakapagtataka kung iyon na ang itinuro niya sa mga sumunod na batch na naturuan niya. At ganoon nga marahil napasama sa mga umiikot at naipapasa-pasang tradisyonal na memory devices sa akademiya ang ideya ng isang kinse at isang katorse anyos.

---

note: Sinubukan kong i-google yung mnemonic at meron ngang mga post tungkol doon. May iba na ring version. Doon sa pinaka malapit na version, pinalitan si Susie ng Sally. Yun nga yata yung tinuro sa'min nung college. Pero para sa'kin, mas may style pa rin yung "Susie," mas artistic at witty. May susi talaga kasi ang pinto. 

No comments:

Post a Comment