27 June 2014

Para kay Froilan Richard T. Ramos

Hi. Hindi ko alam kung pano 'to sisimulan kasi hindi naman talaga tayo nag-uusap. Isang taon tayong magkaklase at isang buong sem magkatabi, pero ang tangi yatang mga salitang namutawi sa pagitan natin ay "pahiram ng bolpen" at "salamat." Kapag nagkakasalubong sa daan, minsan mag-iiwasan pa tayo ng tingin. Gayunpaman, sa katunayan, marami pa talaga 'kong gustong sabihin sa'yo na ikinakabagabag ko ngayon.



Paborito kitang philo major. Nung report ng "Ageless Bodies" at tinanong sa klase kung anong gagawin natin kung mabubuhay tayo nang walang hanggan, sabi mo iaalay mo ang buhay mo sa paglinang ng iyong kaalaman. Kinilig ako. Nung report nyo ng Wittgenstein, andami mong pinagsasasabing trivia tungkol sa kanya, sa mga akda niya, at sa mga kapanahunan niyang pilosopo. Magkakakilala pala sila. Ang nasa isip ko nun, parang isa ka sa kanila. Balbas-saradong nakasalamin at malaki ang katawan ang steryotipikong imahe ng pilosopo sa utak ko. Nung report mo kay Foucault, nagsulat ka ng kwento na binasa mo sa harap habang sinusundan namin ng tingin ang sarili naming kopya. Akala ko sasabog ang puso ko. Heto ngayo't nasa 'kin pa rin ang kopya (hinalughog ko pa ang philo clearbook ko para manigurado).

Iba ka mag-isip sa karaniwan nating mga ka-kurso. Magaling ka makipag-debate -- lohikal at may punto -- kahit minsan pabalang. Magaling kang humirit intelektwal man o bastos (sa isip ko, tinatawag kitang Froid). Hindi nakakulong sa silid-aralan ang iyong pagkatuto kasi hindi ka laging pumapasok. Pero alam kong mahilig kang mag-aral, mahilig magbasa, mahilig makipag-usap. Kahit wala sa reputasyon mo ang pagiging "huwarang mag-aaral," hindi nakapagtatakang nakapasok ka ng U.P. Law. Sa totoo lang, isa ka sana sa mga pinakaaabangan kong maging ganap na abogado.

Hindi ko alam kung naaalala mo pa nung ikaw si froilanennuiman. Nag-message ka dun sa nagpost tungkol kay Sir Tangco. Hindi kayo magkakilala, pero hinala mo taga-Diliman siya kasi kilala niya si Sir Tangco.  Inirekomenda ka lang kasi sa kanya ng isang philo major sa PUP na sa tumblr lang rin niya nakilala. Sabi mo, nasa blog mo naman yung mukha mo kaya kung magkikita kayo, makikilala ka agad niya. Chem major ka pa ata nun, at magshi-shift pa lang sa philo. Ilang buwan din iyon ng pagsubaybay, pagco-comment, pagha-heart at pagre-reblog ng post ng isa't isa. Nasa top 5 ka ng most reblogged niya.

Kinalulungkot kong hindi ako nakapagpakilala sa'yo. Noong dalawang sumunod na sem, naging magkaklase tayo. Unang kita ko pa lang sa'yo sa 197, tumiklop na ako na parang tisyu. Katabi kita noong college grad. Naisip kong maganda sanang pamamaalam iyon kaya hinintay ko na lang ang univ grad, pero hindi na kita nakita.  Sabi ko, magkikita pa naman siguro tayo sa reunion.

Kinalulungkot kong hindi man lang tayo naging magkaibigan dahil mahilig ka uminom, at nagyoyosi ka sa tambayan nyo sa kiosk. Kinalulungkot kong hindi man lamang kita nakadiskusyon kahit man lamang sa fb chat. Hindi ko alam kung bakit takot na takot akong lapitan at kausapin ka kasi sa totoo lang, gusto kong pakinggang ang mga sinasabi mo. Sabi ko, balang araw, 'pag malakas na loob ko.

Hindi ako makapaniwalang wala ka na. Iniisip lang kita noong nakaraang linggo, nung may nagtext sa'king "How's my favorite philosopher?" Ngayon, hindi ko maalis sa isip ko kung ano na kayang mangyayari sa'yo ngayon?

No comments:

Post a Comment