09 October 2014

Ilang Kwento ng Paghingi ng Tulong

May babae sa waiting shed na kumausap sa'kin habang naglalakad ako sa Kalayaan kahapon. Akala ko magtatanong ng direksyon kasi sabi niya kanina pa daw siya nandun at hindi niya alam yung gagawin kaya humihingi ng tulong. May mga sinabi pa siyang hindi ko naintindihan pero ang naging malinaw sa huli ay kulang na daw siya ng pamasahe kaya kung maaari daw, nakakahiya man, ay humihingi siya ng kahit gaano kaliit na halaga para makauwi ng Valenzuela.

Sa isang mabilis na sandali, napaisip ako. Pano ko malalaman na totoo yung sinasabi niya? Hindi malayong magawa ko rin iyon, pero hindi kaya scam ito? Hindi kaya modus ito at naghihintay lang sa isang sulok yung kasabwat niya? Magbibigay ba ko? Tatanggihan ko ba ang humihingi ng tulong?

Mga dalawang buwan na siguro ang nakalilipas nang may lumapit rin sa'kin matandang lalaki sa gawing iyon ng kalsada. Galing daw siyang city hall, pero naubusan ng pera kaya hindi makauwi ng Marikina. Naalala ko yung kaibigan ko nung hayskul na taga-Marikina rin na minsan daw nauubusan ng pamasahe kaya napapalakad nang malayo.

Mga ganoong panahon rin, sa loob naman ng compound ng National Kidney and Transplant Institute, nang pauwi ako galing PCSO, may manong na tumawag sa'kin. Tricycle driver daw siya sa Maginhawa at namumukhaan niya ko dahil baka daw naging pasahero niya ako dahil alam niyang taga-doon lang ako. Matapos kong isiping imposibleng naging pasahero ako dahil hindi naman ako sumasakay ng tricycle, pinakinggan ko ang mapait niyang kwento. Yung asawa daw niya nakitaan ng bukol sa hindi ko maalala kung baga o bato, pero ooperahan daw noong araw na iyon. Hinihintay niya ang anak niyang lalaking nagpasada ng tricycle nila para bigyan siya ng pera nang makabili na siya ng lugaw na ipapakain niya sa asawa niya bago ito ipa-fasting. Sa huli, lumabas na hinihingian niya ako ng bente kung meron man ako.

Mga isang linggo lang ang nakakaraan, habang naghihintay ako sa paborito kong sulok sa compound ng Lung Center, may lumapit sa'king manong, tinatanong kung may pasyente rin daw ako doon. Yung asawa daw niya ay naroon rin dahil may bukol sa baga. Kakaapruba lang daw ng hinihingi nilang tulong sa PCSO kaya noong araw na iyon ay ooperahan din ang kanyang asawa. Hinihintay daw niya ang anak niyang babaeng nagpapasada ng tricycle upang makabili siya ng lugaw na ipapakain sa kanyang asawa bago ito ipa-fasting. Habang sinasabi niya ito, unti-unting lumalabo ang kanyang mga salita, at dahan-dahan siyang lumalayo at tumatalikod dahil marahil bigla niya akong namukhaan.

No comments:

Post a Comment