01 October 2014

Binhi't Kalansay

Ilang ulit ko nang napanood ang Magic Temple (1996) mula nang una itong pinalabas. Ito ang unang pelikulang napanood ko sa sinehan kung kaya naman hindi ko ito makalimutan. Habang nasa banyo at nagliliwaliw ukol sa paborito kong talinhaga, biglang dumaplis sa aking isipan ang isang eksenang ngayon ko lamang namalayan ang natatagong paglalaro ng lalim: ang laban ni Sambag at ni Diyablong Bungo.


Ang kapangyarihan ni Sambag ay makipag-usap sa mga hayop, at magpatubo ng halaman sa pamamagitan ng luha; sa madaling salita: buhay. Ang Diyablong Bungo naman ay mangangalap ng mga labi ng mga yumao na dinadala niya sa kanyang kweba; sa madaling salita: kamatayan. Laban iyon ng magkatunggaling panig na mahuhuli sa iisang salita: buto.

Hindi rin malamang nagkataon lang na sa tatlong alagad ni Sifu, si Sambag ang nahulog ang loob sa isang multo. Si Sambag na laging napapagalitan sapagkat laging nagkakamali, waring isang binhing hindi pa maayos ang tubo, mahuhulog ang loob kay Yasmin na hindi mapayapa ang kaluluwa hangga't hindi nababawi ang mga labi kay Diyablong Bungo. Sa isa sa mga huling eksena. maghahalo ang tamis at pait na bumabalot sa pagtanggap sa katotohanan ng buhay at kamatayan. Sa malaking bato, kalakip ng kanilang pamamaalam, muling nagpapahiwatig ang lalim ng buto: butong binabaon upang simulan ang buhay; butong binabaon sa katapusan ng buhay; butong sa lupa nagsimula, sa lupa rin magtatapos.

No comments:

Post a Comment